P100,000 pabuya ibibigay ni Mayor Evangelista sa ikadarakip ng isang rape slay suspect

KIDAPAWAN CITY – ISANDAANG LIBONG PISO ang pabuyang ibibigay ni City Mayor Joseph Evangelista sa makapagtuturo sa ikadarakip ng suspect na responsable sa panggagahasa at pagpatay sa isang tatlong taong gulang na batang babae sa lungsod.

Mas magiging madali na sa otoridad na hulihin ang suspect na kinilalang si Rene Bueno, na umano ay pinsan pa ng biktima at nakikitira sa tahanan nito sa Barangay Singao Kidapawan City.

Naganap ang krimen gabi ng May 5, 2018.

Natagpuan kinaumagahan ang labi ng batang biktima sa isang lote ilang metro lamang ang layo mula sa kanilang tahanan. Hindi palalagpasin ni Mayor Evangelista ang nagawang krimen kung saan ang suspect ay at large pa.

Dahil sa kanya mismo ipararating ang impormasyon, tanging mga lehitimong reports lamang patungkol sa suspect ang pakikinggan at aaksyunan ng otoridad, giit pa ng alkalde.

Maliban pa sa reward na nabanggit ay naikalat na rin sa social media ang larawan ng suspect kaya mas magiging madali na lang ang paghahanap sa kanya.

Kaugnay nito ay sinagot na rin ni Mayor Evangelista ang burol at pagpapalibing sa biktima.

Ipinag ľutos na rin niya sa mga kapulisan na paigtingin pa ang paghahanap sa suspect.

Nanawagan din si Mayor Evangelista sa mga magulang na kung maari ay huwag basta ipagkakatiwala sa kung sino-sino ang kanilang mga anak upang maiwasan ang katulad na pangyayari.(CIO/LKOasay)

photo caption - LARAWAN NG RAPE SLAY SUSPECT IPINAKALAT NA: Tinutugis na ng mga otoridad ang tinuturong suspect sa panggagahasa at pagpatay sa isang tres anyos na batang babae noong gabi ng May 5, 2018 na kinilalang si Rene Bueno, edad 27 na pinsan pa mismo ng biktima. Ipinakalat na ang larawang ito sa social media sa layung mahuli at mapanagot sa krimen. Isandaang libong piso ang ibibigay na pabuya ni Mayor Joseph Evangelista paras sa kanyang ikadarakip.(photo is from Kidapawan City FB page)