Kabuhayan ng mga beautician pwedeng i-angat- Fanny Serrano

KIDAPAWAN CITY – MAI-AANGAT pa ng mga beautician ang kanilang kabuhayan kung mamahalin nila ang kanilang trabaho. Sinabi ito mismo ni Fanny Serrano na tinuturing na icon ng Philippine Beauty Industry sa mga lumahok sa tatlong araw na training at seminar workshop na handog ng City Government para sa sektor ng LGBT.

Bisita ng aktibidad si Serrano na siya ring nagsilbing head mentor ng mga beautician na sumailalim sa training patungkol sa Hair Styling, Cosmetology at latest trends sa industriya ng pagpapaganda.

Makapagpapatunay mismo ayon pa sa kanya ang kanyang mga naranasan sa loob ng halos limang dekada bago naabot ang estado ng pagiging haligi sa Philippine Beauty Industry.

Kapag napahusay nila ang kanilang ginagawa, hindi malayong kikita sila at maitataguyod ang pamumuhay ng kanilang pamilya, wika pa ni Serrano. Mga kliyente kasi nila mismo ang magpapatunay sa de-kalidad na serbisyong kanilang ibinigay. Pinasalamatan ni Serrano sina City Mayor Joseph Evangelista at kanyang maybahay na si Ginang Marylene sa paglapit ng mga ito sa kanya sa layuning maibahagi ang kanyang kaalaman at matulungan na magkaroon ng kabuhayan ang mga miyembro ng third sex.

Hindi lamang mga beautician mula Kidapawan City ang lumahok sa tatlong araw na training kungdi pati na rin yaong mga nanggaling pa sa ibang bayan sa District 2 ng North Cotabato.

Libre para sa lahat ang training, ayon na rin sa mga organizers ng aktibidad.

Ang nabanggit ay isa lamang sa mga programa ng City Government sa layuning patatagin at paunlarin ang sektor ng Lesbian, Gay , Bisexual at Transgender sa lungsod at kalapit na mga lugar.

Mula May 9 hanggang 11 ang nabanggit na aktibidad na ginawa sa bagong DepEd Convention Hall ng lungsod.(CIO/LKOasay)