P100,000 reward money laban sa rape-slay suspect ibinigay na

KIDAPAWAN CITY – PERSONAL NG IBINIGAY ni City Mayor Joseph Evangelista ang isandaang libong pisong reward money sa ´police informant ´ na nagresulta sa pagdakip sa isang rape-slay suspect na pinaghahanap ng otoridad.

Iniabot ni Mayor Evangelista ang pabuya umaga ng May 15, 2018 kung saan personal na tumungo sa kanyang opisina ang nasabing indibidwal.

Naaresto noong May 12, 2018 sa Maitum Sarangani Province ang rape slay suspect na kinilalang si Rene Bueno na responsable sa panggagahasa at pagpatay sa kanyang tatlong taong gulang na pinsang babae sa Barangay Singao kamakailan lang.

Sa tulong ng Facebook account ng City LGU ay itinuro ng nabanggit na informant si Bueno na napadako sa kanilang lugar kung kaya at naaresto ito ng Maitum Municipal Police.

Sinamahan ni Maitum Chief of Police Senior Inspector Juanito Castillo, Jr ang nasabing informant sa opisina ni Mayor Evangelista.

Inakyat na rin ang reklamong panggagahasa at pagpatay laban kay Bueno, ayon na rin sa Kidapawan City PNP.

Una ng sinagot ni Mayor Evangelista ang burol at pagpapalibing sabay ang pagsegurong makakamit ang hustisya ng mga kaanak ng biktima.

Nahuli si Bueno isang araw bago nailibing ang biktima. (CIO/LKOasay)

Photo Caption- P100K reward money naibigay na: Personal na iniabot ni City Mayor Joseph Evangelista ang P100,000 na pabuya kay Maitum Sarangani COP Sr. Inspector Juanito Castillo Jr. SInamahan ni Castillo ang ´police informant´ na nagbigay impormasyon sa pagdakip sa isang rape-slay suspect na pinaghahanap ng mga otoridad sa Kidapawan City.(CIO Photo)