PTA Subsidies ng public schools ipamimigay na ng City LGU sa August 1, 2018

KIDAPAWAN CITY - SA AUGUST 1 nakatakdang ipapamahagi na ng City Government ang P300 na Parents-Teachers Associations o PTA Subsidies sa lahat ng pampublikong eskwelahan sa lungsod.

Ibinunyag ni City Mayor Joseph Evangelista ang naturang development sa July 9, 2018 Convocation Program ng City LGU.

Kada bata na naka-enrol mula kinder hanggang high school ang makakabenepisyo ng subsidy, wika pa ng alkalde.

Itinaon ang pagbibigay ng subsidy sa gaganaping PTA Summit sa mga eskwelahan sa lungsod na kinabibilangan ng Kidapawan City National High School, Manongol NHS at Paco NHS.

Clustering ang magiging sistema sa pagbibigay ng subsidy kung saan ay pupunta ang iba pang school at PTA officials ng lahat ng public schools sa naturang mga paaralan para tanggapin ang kani-kanilang ayuda.

Makakatulong ng malaki ang PTA subsidy na mapondohan at maipatupad ang mga proyekto sa mga public schools.

Alinsunod din ito sa isinusulong na 'zero collection' ng DepEd sa lahat ng mga pampublikong paaralan.

Nakadepende ang kabuo-ang halaga ng PTA subsidy sa dami ng mga batang naka-enroll sa bawat public school.

Pinakamalaking subsidy na mahigit sa dalawang milyong piso ang natanggap ng Kidapawan City National High School noong nakalipas na taon dahil na rin sa halos walong libong bilang ng enrollees sa paaralan.

Personal na iaabot ni Mayor Evangelista ang tsekeng naglalaman ng subsidy sa mismong School Principal at PTA officials sa gaganaping summit.

Nagpaalala naman ang alkalde sa lahat ng mga PTA at school administration na ihanda na rin ang kani-kanilang liquidation reports hingil sa PTA subsidies na binigay ng City Government noong school year 2017-2018.

Nakasaad sa liquidation reports kung papaano ginamit ng bawat PTA ang kanilang subsidy sa nakaraang school year.

Ito ang pangunahing rekisitos para mabigyan at maipagpatuloy ng bawat eskwelahan ang kanilang PTA Subsidy mula sa City Government.(CIO/LKOasay)