Kahusayan sa Pamamahala susubukang makamit muli ng City LGU

 Susubukang makamit muli ng City LGU ang Seal of Good Local Governance o SGLG bilang patunay sa maayos na pamamahala nito.  

 Ang SGLG o mas kilalang Pagkilala sa Katapatan at Kahusayan ng Pamahalaang Lokal ay ginagawad ng DILG sa mga natatanging Local Government Units ng bansa sa kanilang husay sa pamamahala, pagbibigay serbisyo publiko at pagpapaunlad ng kanilang mga komunidad.

 Sumasailalim ngayong araw sa SGLG Evaluation ang City LGU.

 Aminado si City Mayor Joseph Evangelista na nananatiling malaking hamon pa rin sa Lokal na Pamahalaan ang pagkamit ng nabanggit na gawad lalo pa at susubukan nitong makamit ang selyo sa ikalawang sunod na taon.

 Una ng ginawad ang SGLG sa Kidapawan City LGU noong nakalipas na taon kasabay ng mga LGU’s ng M’lang at Kabacan sa Lalawigan ng Cotabato.

 Upang makamit ng Kidapawan City LGU ang SGLG, kinakailangan nitong makakuha ng matataas na marka sa mga ‘core assessment areas’ gaya ng good financial housekeeping, disaster preparedness at social protection.

 Maliban sa mga nabanggit, mataas din na puntos ang dapat makamit ng City LGU sa alin man sa mga sumusunod na essential assessment areas tulad ng business-friendliness and competitiveness, peace and order, environmental management at ang tourism, culture and arts.

 Mga evaluators mula sa Regional Office 12 ng DILG ang siyang nagsagawa ng evaluation.

 Tinanong ng mga evaluators ang mga department heads ng City LGU patungkol sa implementasyon ng mga nabanggit.

 Sinuri din nila ang mga kaukulang dokumento na nagpapatunay sa pagpapatupad ng mga core at essential assessment areas.

 Maliban sa pagkamit ng selyo ng kahusayan sa pamamahala, may cash incentive ding naghihintay bilang Performance Challenge Fund mula sa DILG sa mga LGU’s na gagawaran ng SGLG. 

 

KIDAPAWAN CITY LGU SUMAILALIM SA SGLG EVALUATION: Ipinaliliwanag ni CDRRMO Psalmer Bernalte sa DILG evaluator ang isa sa mga kopya ng Resolusyon patungkol sa pagpapatupad ng Public Safety Program ng City LGU.Ganoon din si Ms. Janice Garcia, Planning Officer III kung saan ay ipinaliwanag naman niya ang pagpapatupad ng isa sa mga Social Protection Program ng Lokal na Pamahalaan. Ang mga nabanggit ay ilan sa pamantayan sa pagkamit ng Kahusayan sa Pamamahala sa ilalim ng Seal of Good Local Governance o SGLG.(CIO Photo)