Apat na centenarians tumanggap ng tig P100 libong cash incentives

 Nagbigay ng kaligayan sa apat na mga ‘centenarians’ o yaong mga senior citizens na isandaang taon ang edad pataas,  ang cash incentive na bigay sa kanila ng City LGU at Regional Office ng Department of Social Welfare and Development 12.

 Ito ay matapos personal na ibigay ni City Mayor Joseph Evangelista at ng DSWD12 ang tig isandaang libong pisong pera kada isa sa kanila ngayong araw bilang pagkilala at pagpapahalaga sa “milestone’ ng kanilang buhay.

 Sila ay sina G. Cenon Ordoña edad 105 years old( born April 12, 1912) ng Nursery Site Phase 2; G. Teofilo Cayme 101 years old( March 7, 1916) ng Datu Icdang St, Poblacion; Gng. Remedios Barzaga (January 17, 1916) ng Juan dela Cruz St, Poblacion  at Gng. Faustina Costelo 102 years old(February 16, 1915) ng Brgy Magsaysay.

 Mismong si Mayor Evangelista at ang DSWD ang pumunta sa kanilang mga tahanan upang ibigay ng personal ang kanilang cash incentive at plaque.

 Bagamat at hindi na sila gaanong nakaririnig, masayang masaya nilang tinanggap ang ayuda mula sa alkalde at DSWD.

 Pinayuhan naman ng City LGU at DSWD ang mga kaanak ng centenarians na ibigay ang mataas na respeto at pagpapahalaga sa kanila.

 Secured na rin ang cash incentive na kanilang tinanggap dahil idineposito na ito ng kanilang mga kaanak sa di pinangalanang financial institution matapos ang pagbibigay.

 Ang nabanggit ay isa lamang sa mga ginagawa ng City LGU at DWSD para isulong ang kapakanan ng mga nakakatanda sa Kidapawan City.